Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na “armado at mapanganib” si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa ilalim ng umiiral na standard protocols habang nagpapatuloy ang pagtugis sa kaniya kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nang tanungin kung itinuturing na bang armado at mapanganib ang senador, sinabi niyang bahagi ito ng kanilang standard operating procedure sa anumang operasyon laban sa isang pinaghahanap na indibidwal.
Dagdag pa niya, mula nang umalis si Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14 kasunod ng isang insidente, nananatili itong hindi pa natatagpuan kaya patuloy ang kanilang paghahanap.
Bumuo na ang NBI ng special team para tugisin ang senador, na itinuturing nilang isang pugante. Inatasan din ang mga district at regional offices na magsagawa ng monitoring sa kani-kanilang hurisdiksyon upang makakuha ng anumang impormasyon hinggil sa kaniyang kinaroroonan.
Ayon pa kay Matibag, batid ni Dela Rosa kung paano kumikilos ang mga tagapagpatupad ng batas dahil sa dati nitong posisyon bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), kaya mas pinaigting ang mga hakbang para matunton siya.
Muling nanawagan ang NBI sa senador na sumuko na lamang nang maayos sa mga awtoridad.











