--Ads--

Pinagsusumite ng nakasulat na paliwanag si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng Senate Committee on Ethics and Privileges kaugnay ng reklamong inihain laban sa kaniya dahil sa umano’y matagal na pagliban sa kaniyang mga tungkulin bilang senador.

Sa liham na may petsang Oktubre 22, 2026, binigyan si Dela Rosa ng 15 araw mula sa pagtanggap nito upang magsumite ng kaniyang tugon at iba pang impormasyong may kaugnayan sa reklamo.

Kinumpirma ni Senate Committee on Ethics and Privileges Chairperson Senator Tito Sotto ang pagtanggap ng komite sa reklamo na inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt, na kinakatawan nina Barry Gutierrez, Cielo Magno at iba pa.

Ayon sa grupo, ang matagal na pagliban ni Dela Rosa sa mga opisyal na gawain ay maituturing umanong pagpapabaya sa tungkulin at pang-aabuso sa pribilehiyo.

--Ads--

Una nang inihain ang reklamo noong Pebrero 25, ngunit ibinalik ito dahil hindi umano sumunod sa mga itinakdang patakaran ng komite. Nagsumite naman ang grupo ng mga karagdagang sinumpaang salaysay noong Setyembre 14.

Noong Oktubre 22, napagpasyahan ng komite na sumusunod na sa mga kinakailangan sa porma at nilalaman ang reklamo.

Nagsimulang hindi dumalo si Dela Rosa sa mga aktibidad sa Senado noong 2025, kasunod ng mga ulat na naglabas umano ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kaniya.

Huli siyang namataan sa publiko noong Mayo 11, ngunit umalis sa kustodiya ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14, kasunod ng pamamaril sa loob ng compound ng Senado. Mula noon ay hindi na siya muling nakita sa publiko.