--Ads--

Pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo ang mga alegasyong mayroong kapalit o kasunduan sa pagdalo ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa sesyon ng Mataas na Kapulungan nitong Miyerkules, Hunyo 3.

Sa panayam sa media, iginiit ni Tulfo na walang katotohanan ang mga espekulasyong may naging kapalit sa pagsipot ni Escudero sa gitna ng mga isyu at tensyon na kinahaharap ng Senado.

Pinabulaanan din ng senador ang mga pahayag na umano’y may pakikialam ang Malacañang upang matiyak ang pagdalo ni Escudero sa sesyon.

“Bakit makikialam ang Palasyo? This is a Senate, we are another branch of the government,” ani Tulfo.

--Ads--

Ang pahayag ay kasunod ng mga usap-usapan hinggil sa mga kaganapan sa Senado at sa umano’y pagkakahati ng ilang mambabatas kaugnay ng isyu sa liderato ng kapulungan.

Matatandaang dumalo si Escudero sa sesyon at muling ipinagtanggol ang kanyang mga naging hakbang bilang pinuno ng Senado.

Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni Escudero na hindi siya pumapanig sa anumang paksyon at nananatiling nakatuon sa kapakanan ng institusyon.

“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” ani Escudero.

Sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng kapulungan, sinabi ni Tulfo na nananatiling malaya ang Senado bilang isang hiwalay na sangay ng gobyerno, at dapat resolbahin ng mga senador ang kanilang mga usapin nang walang impluwensiya mula sa ibang sangay.

Inaasahang magpapatuloy ang mga konsultasyon at talakayan sa Senado kaugnay ng mga usapin sa operasyon at pamumuno ng kapulungan.