Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang umano’y paggamit sa government-controlled Planters Products, Inc. (PPI) bilang daan o “palusot” sa malawakang pag-aangkat ng bigas, sa kabila ng mga limitasyon sa direktang rice importation na itinakda sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos na naghain siya ng Proposed Senate Resolution No. 392 upang siyasatin ang umano’y kaduda-dudang pagpasok ng milyon-milyong sako ng imported rice na ipinasok ng PPI, isang kumpanyang nasa ilalim ng Department of Agriculture.
Kinuwestiyon ng senador kung paanong nakapag-import umano ang PPI ng halos ₱2 bilyong halaga ng bigas gayong tinatayang nasa ₱90 milyon lamang ang kita nito noong 2024.
Ayon kay Sen. Marcos, nasa ₱90 milyon lang ang kita ng PPI noong 2024, kaya paano ito nakapag-import ng halos ₱2 bilyong halaga ng bigas?
Batay sa mga ulat na binanggit ng senador, umabot na umano sa 1.7 milyong sako ng bigas mula India, Vietnam, Thailand, at Myanmar ang naipasok ng PPI sa magkakahiwalay na shipment mula 2025 hanggang 2026. May karagdagang 1.5 milyong sako pa umanong nakatakdang dumating mula India, ayon sa Federation of Free Farmers.
Iginiit ni Marcos na dapat alamin kung ginagamit ang PPI bilang paraan o “daan” upang makapag-import ang pamahalaan ng bigas, na aniya ay ipinagbabawal para sa National Food Authority sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Kinuwestiyon din ng senador ang umano’y kawalan ng public bidding sa mga naturang transaksyon, na posibleng lumabag sa Government Procurement Reform Act.
Binigyang-diin din niya na maaaring maapektuhan ang mga lokal na magsasaka dahil sa patuloy na pagdagsa ng imported rice sa bansa.
Ayon kay Marcos, dahil sa ganitong sitwasyon ay bumababa ang presyo ng palay sa farmgate, na aniya ay nasa ₱16 hanggang ₱17 kada kilo na lamang, na labis na nakaapekto sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.
Dagdag pa ng senador, dapat tiyakin ng Department of Agriculture na ang mandato nito ay ang palakasin ang lokal na produksyon at hindi ang magsilbing tulay para sa mas malawak na importasyon ng bigas.





