--Ads--

Inilahad ni dating Commission on Audit o COA state auditor Roderick Wamil sa ika-12 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang umano’y ilang kakulangan at paglabag sa paggamit ng confidential funds ng Department of Education o DepEd at Office of the Vice President o OVP noong 2023.

Sa direct examination, sinabi ni Wamil na walang isinumiteng listahan ng mga confidential activities ang DepEd kaugnay ng paggamit ng kabuuang P112.5 milyong confidential funds para sa unang tatlong quarter ng 2023.

Aniya, bagama’t pirmado ni Duterte ang mga physical at financial plans bilang noo’y kalihim ng DepEd, walang partikular na listahan ng mga aktibidad na pagbabatayan ng paggastos ng pondo.

Ayon pa kay Wamil, nakasaad sa plano na layunin ng counter-insurgency program na pigilan ang pagrerekrut ng mga guro at estudyante ng mga grupong komunista at leftist.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang walang isinumiteng listahan ng mga naturang grupo, maging ng mga guro o mag-aaral na umano’y target ng programa. Dahil dito, hindi rin umano maitugma ang mga target ng programa sa aktuwal na paggamit ng confidential funds.

Sinabi rin ni Wamil na nilagdaan ni Duterte ang mga disbursement voucher para sa cash advances ng confidential funds sa unang tatlong quarter ng 2023.

Samantala, sinabi rin ng dating auditor na nakitaan ng mga kakulangan ang mga accomplishment reports ng OVP kaugnay ng confidential funds. Ayon sa kanya, may mga gastusing hindi pinahihintulutan sa ilalim ng Joint Circular 2015-01, kabilang ang ilang line items para sa medical at food assistance, gayundin ang pondo para sa incentives at travel expenses.

Tinukoy rin ni Wamil na walang isinumiteng supporting documents para sa ilang payment of reward at iba pang bayarin, kabilang ang documentary evidence na magpapatunay sa isinagawang information gathering o surveillance activities.

Nagmosyon naman ang kampo ng depensa na alisin sa rekord ang bahagi ng testimonya ni Wamil hinggil sa payment of reward, na kalaunan ay pinaboran ni Senate President at impeachment court presiding officer Francis Escudero.