Kasalukuyan nang nakapiit si Senador Jinggoy Estrada sa Quezon City Jail–Male Dormitory sa Payatas kasama ang kanyang mga kapwa akusado, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kinumpirma nitong Martes, Hunyo 2, ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera na dinala sa pasilidad si Estrada matapos itong sumuko bunsod ng arrest warrant mula sa Sandiganbayan kaugnay ng kaso sa flood control projects.
Kasamang nakadetine ng senador sina Denryl Caeser Cortuna, Manny Bumagat Bulusan, at Arturo Lombres Gonzales Jr.
Unang ipinasok si Cortuna bandang 5:47 PM noong Hunyo 1, habang sumunod naman sina Estrada, Bulusan, at Gonzales alas-8:15 ng gabi.
Sumailalim na ang apat sa mandatory medical screening at diretso nang isinama sa pangkalahatang populasyon ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Tiniyak naman ng BJMP na walang ibibigay na espesyal o VIP treatment sa mambabatas at sa mga kasama nito.











