Maaaring maharap sa kasong plunder, graft and corruption, at direct bribery si Jinggoy Estrada at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.
Ito ay matapos irekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban kina Estrada, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Bong Dinglasan, DPWH North Manila Assistant District Engineer Denryl Caesar Cortuna, Arturo Gonzales Jr., at iba pang hindi pinangalanang personalidad.
Ayon sa Office of the Ombudsman, kabilang sa mga inirerekomendang kaso ang paglabag sa Sections 3(b) at 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, direct bribery, receiving gifts by public officers, at corruption of public officials sa ilalim ng Revised Penal Code.
Samantala, inirekomenda naman ng DOJ na ibasura ang mga kaso laban kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral matapos itong pumanaw noong Disyembre 2025.
Hindi rin isinama sa mga irerekomendang kaso sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, DPWH Metro Manila Regional Director Gerard Opulencia, at DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara matapos silang mapasailalim sa witness protection program.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang rekomendasyon ay nakabatay sa resolusyong inilabas ng DOJ matapos ang isinagawang komprehensibong preliminary investigation kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation-DOJ Public Works and Bid-Rigging Task Force.
Samantala, nagpaalala naman si Ruperto Santos sa mga opisyal ng gobyerno na umano’y nagtaksil sa tiwala ng taumbayan na haharap din ang lahat sa hustisya ng Diyos sa tamang panahon.











