Mariing itinanggi ni Senator Jinggoy Estrada ang alegasyon ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan na mayroon siyang mahigit P7 bilyong congressional initiatives na isinama sa 2025 national budget.
Sa pahayag ng senador, iginiit niyang mapatutunayan ng mga opisyal na rekord ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na wala siyang isinisingit na pondo para sa mga maanomalyang proyekto.
Ayon kay Estrada, nagsumite rin ng liham ang LBRMO sa Office of the Ombudsman noong Marso, na nagsasaad na walang legislative records o opisyal na dokumentong nagpapatunay na nagsingit siya ng mga proyekto para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Binanggit din ng senador ang privilege speech ni Senator Ping Lacson, kung saan iginiit na walang rekord ang LBRMO kaugnay ng umano’y budget insertions.
Binigyang-diin ni Estrada na ang General Appropriations Act, o pambansang budget, ay hindi gawa ng iisang mambabatas kundi bunga ng proseso sa dalawang kapulungan ng Kongreso at pag-apruba ng pangulo.











