--Ads--

Kinuwestiyon ni Senador Jinggoy Estrada ang naging desisyon ng Sandiganbayan na alisin bilang akusado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan upang magamit bilang state witness sa kasong may kaugnayan sa umano’y flood control scandal.

Sa kanyang Motion for Reconsideration laban sa September 1, 2026 Resolution ng Sandiganbayan Fifth Division, sinabi ni Estrada na nagpapakita umano ng “foul play” o hindi patas na pagtrato ang naging hakbang ng prosekusyon sa biglaang pagpapalaya kay Bonoan.

Ayon sa senador, mahalagang isaalang-alang ang epekto ng naturang desisyon sa depensa ng mga natitirang akusado, lalo na’t nagbago ang mga estratehiyang maaari nilang gamitin sa paglilitis.

Binanggit din ni Estrada ang umano’y biglaang pagbabago ng posisyon ni Bonoan matapos itong humiling sa Ombudsman noong Hunyo 5 na alisin siya bilang akusado at payagang makipagtulungan sa prosekusyon.

--Ads--

Anim na araw matapos ang naturang liham, naglabas umano ang Ombudsman ng resolusyon na may sapat na batayan upang alisin si Bonoan sa Information at gawing state witness.

Para kay Estrada, ang naturang “belated change of heart” ni Bonoan ay maaaring paraan upang mailigtas ang sarili sa pananagutan at dapat umanong kuwestiyunin ang kanyang kwalipikasyon bilang state witness.

Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na hindi nito maaaring agad na ituring na may “foul play” ang naging hakbang ng prosekusyon dahil nag-alok lamang umano si Bonoan na makipagtulungan matapos maisampa ang Information noong Mayo 28 at matapos ma-arraign ang iba pang akusado noong Hunyo 4.

Nahaharap sina Estrada at iba pang akusado sa mga kasong paglabag sa Plunder Law at Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.