--Ads--

Kinuwestiyon ng ilang senador-judge ang kabuluhan ng testimonya ng hepe ng PNP Firearms and Explosives Office o PNP-FEO sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig, sinabi ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero na pinayagan pa rin si Police Maj. Joercison Sangalang na tumestigo, ngunit pinayuhan ang prosekusyon na paikliin ang pagtatanong dahil hindi umano gaanong nakikita ng mga senador-judge ang kaugnayan nito sa alegasyon ng unexplained wealth.

Samantala, sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na sayang lamang sa oras ang testimonya ni Sangalang dahil maaaring ideklara bilang personal property sa SALN ang mga baril.

Ipinunto naman nina Sen. Erwin Tulfo at Sen. Juan Miguel Zubiri na kailangan munang linawin kung paano nauugnay ang pagmamay-ari ng mga baril sa alegasyon ng unexplained wealth.

--Ads--

Iniharap ng prosekusyon si Sangalang upang patunayan umano na may mahigit 50 baril na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱7 milyon sina VP Sara Duterte at ang kanyang asawa.

Gayunman, sinabi ng defense na ang guidelines na ginamit ng prosekusyon sa pagdeklara ng firearms sa SALN ay para lamang sa mga isusumiteng SALN simula 2026.