--Ads--

Ipinag-utos ng Second Division ng Sandiganbayan ang 90 araw na preventive suspension laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng isa sa mga kasong graft na isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.

Ang naturang dibisyon, na pinamumunuan ni Presiding Justice Geraldine Faith Econg, ang humahawak sa isa sa dalawang kasong graft na kinakaharap ni Estrada. Sa kasalukuyan, nakadetine ang senador sa New Quezon City Jail sa Payatas.

Sa kanyang isinumiteng komento sa hukuman, iginiit ni Estrada na hindi siya dapat masailalim sa preventive suspension dahil hindi pa umano siya nabibigyan ng ganap na pagkakataon upang kuwestiyunin ang naging proseso ng paunang imbestigasyon na isinagawa ng Office of the Ombudsman at Department of Justice.

Ayon pa sa senador, ang pagpapataw ng preventive suspension nang walang sapat na batayan ay maituturing na kaparusahan na walang kaukulang due process of law.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ng prosekusyon na obligadong ipatupad ang preventive suspension alinsunod sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa sandaling maisampa ang kaso laban sa isang akusado.

Iginiit din ng prosekusyon na nabigyan na si Estrada ng sapat na pagkakataon upang kuwestiyunin ang bisa ng kaso laban sa kanya sa isinagawang pagdinig noong Hunyo 4, na nagsilbi rin bilang pre-suspension hearing.

Sa pitong pahinang resolusyon ng Sandiganbayan, sinabi ng hukuman na ang naturang pagdinig ay itinakda upang resolbahin ang mosyon ni Estrada na humihiling na ibasura ang kaso laban sa kanya.

Ayon sa korte, kapwa nabigyan ng pagkakataon ang kampo ni Estrada at ang prosekusyon na ihayag ang kanilang mga argumento sa pagdinig. Bukod dito, nagsumite rin ang depensa ng nakasulat na mosyon na nagbigay-daan upang lubos na mailahad ng senador ang kanyang panig.

Binanggit din ng hukuman na matapos ang arraignment, binigyan pa si Estrada ng hindi na mapapalawig na sampung araw upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat suspendihin.

Nilinaw pa ng Sandiganbayan na kahit nakadetine na ang senador, hindi nito inaalis ang obligasyon ng korte na ipatupad ang preventive suspension. Ayon sa batas, may presumption na maaaring maantala ng isang akusado ang pag-usad ng kaso laban sa kanya o makagawa pa ng iba pang iregularidad habang nananatili sa puwesto.

Dahil sa kautusan ng korte, pansamantalang hindi maaaring gampanan ni Estrada ang kanyang mga tungkulin bilang miyembro ng Senado sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kanyang kaso.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Estrada kaugnay ng naging desisyon ng Sandiganbayan.