--Ads--

Inamin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may kapalit ang kanyang paninindigan laban sa katiwalian, kasabay ng pag-init ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Bilang chairperson ng komite, sinabi ni Sen. Lacson na may ilang kaibigan umano siyang lumalayo ang loob at may mga bagong kaaway na nabubuo habang inuusisa nila ang ebidensya kaugnay ng mga iregularidad.

Tinawag niya itong “déjà vu,” na aniya’y kahalintulad ng kanyang karanasan noong 2003 nang kanyang isulong ang pagbasura sa pork barrel system sa pamamagitan ng privilege speech na “Living Without Pork.”

Sa isang pahayag, sinabi ng senador na batid niyang may kaakibat na personal at pampulitikang epekto ang pagtanggap niya sa pamumuno ng komite. Aniya, ang imbestigasyon sa flood control projects ay isa sa pinakamasiselang usapin na kinakaharap ngayon ng Senado, lalo’t posibleng madawit ang ilang mambabatas at matataas na opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Sa kabila nito, nanindigan si Sen. Lacson na mananatili siyang nakatuon sa ebidensya at sa mandato ng komite. Hindi aniya siya nag-iimbento ng kuwento o basta na lamang nandadawit ng sinuman, kundi sinusunod lamang ang direksyong itinuturo ng mga dokumento at testimonya. Binigyang-diin din niyang malinis ang kanyang konsensya.

Sa huli, sinabi ni Sen. Lacson na hindi na bago sa kanya ang ganitong sitwasyon at, tulad noong 2003, handa siyang harapin ang anumang epekto nito basta’t mananaig ang katotohanan at pananagutan.