Kinuwestiyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kawalan ng direktang pagtanggi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa posibilidad na may tauhan itong nagngangalang “Stephanie,” na umano’y nag-alok sa kanyang tanggapan ng P5 milyong alokasyon.
Ayon kay Lacson, lalo lamang nagdulot ng katanungan ang kawalan ng malinaw na sagot mula sa TESDA, partikular kung may umiiral na ganitong gawain sa ahensya.
Nauna nang sinabi ni TESDA Secretary Jose Francisco Benitez na hindi niya pinahintulutan ang sinuman na mag-alok ng pondo kay Lacson.
Bagama’t handa namang bigyan ni Lacson ng “benefit of the doubt” si Benitez, sinabi niyang hindi pa rin siya kumbinsido dahil maaari sanang direktang linawin ng TESDA kung mayroon silang tauhang nagngangalang Stephanie.
Nagduda rin ang senador na maaaring may ganitong tauhan sa ahensya na kumikilos sa ngalan nito, kahit walang direktang utos mula sa kalihim.
Dagdag ni Lacson, posibleng hindi lamang siya ang nilapitan para sa naturang alok kaya minabuti niyang isapubliko ang insidente upang malinaw na tinanggihan niya ang alok na pondo.
Nakatakda rin niyang hingan ng paglilinaw ang TESDA kapag tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang badyet ng ahensya.











