--Ads--

Naghahanap ng paraan si Senate President Sherwin Gatchalian upang mapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos na isang testigo lamang ang matapos mapakinggan sa unang linggo ng pagdinig.

Ayon kay Gatchalian, inaasahan nilang matatapos agad ang testimonya ng unang testigong si NBI agent John Mark Calilung, ngunit humaba ang proseso dahil sa mga pagtutol, debate at pagtatanong ng magkabilang panig. Aniya, nakikipagkonsultasyon na sila sa prosecution at defense upang mapabilis ang paglilitis habang pinananatili ang pagiging patas nito.

Sinabi rin niyang normal lamang ang maraming pagtutol sa mga unang yugto ng impeachment trial at inaasahang bibilis ang mga pagdinig habang tumatagal ang proseso. Binigyang-diin din niya na hindi maaaring isantabi ang due process kahit may mga puna sa mabagal na usad ng kaso.

Inaasahang haharap sa susunod na linggo bilang mga testigo sina NBI Regional Director Jeremy Lotoc, NBI Director Melvin Matibag at OVP Chief of Staff Zuleika Lopez.

--Ads--

Iginiit ni Gatchalian na magpapatuloy ang impeachment trial dahil wala namang inilabas na kautusan ang Korte Suprema upang itigil ito. Magpapatuloy ang mga pagdinig mula Hulyo 13 hanggang 15.