--Ads--

Magpupulong ang mga senador sa Lunes upang pag-usapan ang posibleng paglilipat sa hapon ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos maantala ang mga paglilitis dahil sa masamang panahon at sa nalalapit na deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Naantala ang paglilitis noong nakaraang linggo dahil sa maagang suspensyon ng mga gawain at pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan dulot ng habagat.

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, pag-uusapan ng majority at minority blocs kung ililipat sa hapon ang paglilitis upang magkaroon ng mas mahabang oras ang mga senador para sa impeachment trial.

Sinabi naman ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na karamihan sa mga senator-judge mula sa majority bloc ay pabor sa naturang pagbabago simula Setyembre 1.

--Ads--

Sa panukalang iskedyul, ilalaan ang alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon, Lunes hanggang Miyerkules, para sa regular na sesyon ng Senado. Magsisimula naman ang impeachment trial pagsapit ng alas-2:30 ng hapon.

Maaari itong magpatuloy hanggang alas-7:30 ng gabi o higit pa depende sa takbo ng paglilitis.

Ayon kay Lacson, mas magiging praktikal ang ganitong setup dahil hindi na kailangang paghatian ang oras ng regular na sesyon at impeachment trial.

Maaari rin umanong umabot hanggang alas-10 o alas-11 ng gabi ang paglilitis kung kinakailangan, ngunit kailangan pa itong aprubahan sa caucus at mapagkasunduan ng majority at minority blocs.

Kung maaaprubahan, maaaring pormal na ipahayag ang bagong iskedyul sa Miyerkules, Agosto 26. Sa ngayon, mananatili muna sa umaga ang impeachment trial sa susunod na linggo.