Wala pang natatanggap na kumpirmasyon ang Senado mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte kung personal itong dadalo sa unang araw ng kanyang impeachment trial na nakatakdang simulan bukas, Hulyo 6.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, nananatiling bukas ang lahat ng posibilidad dahil pinahihintulutan ng mga patakaran ng impeachment court na personal na humarap ang Bise Presidente o kaya ay magpadala ng abogado o kinatawan.
Sinabi ni Gatchalian na karaniwan nang nagkakaroon ng mga huling minutong koordinasyon sa mga ganitong kaso kaya hindi pa rin aniya malinaw kung ano ang magiging hakbang ng kampo ni Duterte sa pagbubukas ng paglilitis.
Sa kabila nito, tiniyak ng Senate President na nakahanda ang Senado sa anumang sitwasyon at nakipag-ugnayan na rin ito sa kapulisan para sa seguridad at maayos na pagsasagawa ng impeachment proceedings.
Binigyang-diin din niya na sakaling dumalo si Duterte, mananatiling pormal at propesyonal ang pagtrato ng mga senator-judge sa loob ng impeachment court bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa paglilitis.











