--Ads--

Iginiit ni Senate President Vicente Tito Sotto III na walang legal na batayan at isang publicity stunt lamang ang petisyon para sa indirect contempt na isinampa laban sa kanya ni Atty. Ferdinand Topacio.

Matatandaang inihain ni Topacio ang naturang petisyon sa Korte Suprema kaugnay ng pahayag ni Sotto tungkol sa naging desisyon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa petisyon, may mga pahayag si Sotto na “tend to demean and destroy the credibility” ng Korte Suprema.

Ayon kay Sotto, ang simpleng pagpapahayag ng hindi pagsang-ayon o kritisismo sa desisyon ng korte ay hindi maituturing na indirect contempt. Dagdag pa niya, ang indirect contempt ay nangangailangan ng kilos na nagiging sagabal, hadlang, o nakakasira sa pagpapatupad ng hustisya, at wala siyang ginawa sa naturang batayan.

--Ads--

Inihayag din ng Senate chief na magbibigay siya ng pormal na tugon sa petisyon kapag ito ay hinihiling ng Korte Suprema.