--Ads--

Isinusulong sa Santiago City ang pagsasagawa ng sign language training upang maisulong ang isang mas inklusibong komunidad at mapabuti ang komunikasyon sa mga miyembro ng deaf community.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Noradel Tad-o, Officer-in-Charge ng PDAO Santiago City, na isang sign language interpreter na kabilang din sa deaf community ang nagsisilbing tagapagsanay. Itinuturo sa mga kalahok ang alphabet sign language at iba pang karaniwang salita na mahalaga sa pakikipag-ugnayan sa mga may kapansanan sa pandinig.

Ayon kay Tad-o, layunin ng programa na mapalawak ang kaalaman ng publiko sa sign language at matugunan ang mga hamon sa komunikasyon. Aniya, marami sa mga sumailalim sa pagsasanay ang nakapagtala ng perpektong marka sa pagsusulit.

Dagdag pa niya, palalawakin pa ang programa upang mas marami pang mamamayan, kabilang ang mga opisyal ng barangay, ang matutong gumamit ng sign language at maging mas handa sa pakikipag-ugnayan sa deaf community.

--Ads--

Hinikayat din ni Tad-o ang mga magulang ng mga PWD na suportahan ang aktibong pakikilahok ng kanilang mga anak sa komunidad upang higit na mapalakas ang kanilang integrasyon sa lipunan.