--Ads--

Patuloy ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Santiago City sa pamamahagi ng mga libreng assistive devices upang matiyak na maihahatid sa mga benepisyaryong Persons with Disability (PWD) ang mga kagamitang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at paggalaw.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Noradel Tad-O, Officer-in-Charge ng PDAO-Santiago City, sinabi nitong nasa 170 PWD na ang napagkalooban ng mga assistive devices sa ilalim ng programa ng lokal na pamahalaan.

‎Gayunman, may ilan pang nakatalang benepisyaryo na hindi pa nakukuha ang kanilang nakalaang kagamitan. Ayon kay Tad-O, isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang pansamantalang pananatili ng ilang benepisyaryo sa labas ng Santiago City noong isinagawa ang distribusyon.

‎Dahil dito, pinaigting ng PDAO ang panawagan sa mga natitirang benepisyaryo na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maiproseso at makuha ang mga assistive devices na nakalaan para sa kanila.

--Ads--

‎Nilinaw rin ni Tad-O na maaaring kunin ng isang kapamilya ang assistive device sa ngalan ng benepisyaryo, basta’t makapagpapakita ng kaukulang dokumento o patunay ng kanilang relasyon sa benepisyaryo upang matiyak ang maayos at lehitimong pag-release ng mga kagamitan.

‎Umaasa ang PDAO na sa pamamagitan ng patuloy na distribusyon ay mas marami pang PWD sa lungsod ang magkakaroon ng akses sa mga kagamitang makapagpapahusay sa kanilang mobilidad, kaligtasan at pangkalahatang kalidad ng pamumuhay.