--Ads--

Nagsalita na ang SK Treasurer ng Barangay San Francisco, Cauayan City sa kaugnay ng isyung kinakaharap ng kanilang konseho hinggil sa hindi pa naibibigay na honoraria ng mga opisyal ng SK.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Remarie Opeña matapos ang pagdinig sa Sangguniang Panlungsod, sinabi ng SK Treasurer na nakahinga na siya ng maluwag dahil, ayon sa kanya, naging malinaw na sa pagdinig kung sino ang dapat managot sa usapin.

Ayon sa kanya, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatanggap ang honoraria ng pitong SK kagawad, isang SK secretary at maging ang kanyang sariling honoraria.

Ipinaliwanag niya na hindi siya ang naghanda ng mga disbursement voucher at iba pang dokumento. Aniya, inutusan lamang siyang makipagkita ng SK Chairman sa bangko kung saan siya ang nag-withdraw ng pondo at agad ding iniabot ang buong halaga sa chairman.

--Ads--

Ang buong akala niya ay ipamamahagi agad ng chairman ang honoraria dahil sinabi umano nitong aalis ito patungong Maynila nang gabing iyon.

Itinanggi rin ng SK Treasurer ang paratang na tinakpan niya ang umano’y pagkukulang ng SK Chairman. Aniya, nagkaroon na sila ng pag-uusap noong Nobyembre at nagkaroon pa ng kasunduan na ibabalik ang perang hindi naipamahagi.

Ayon sa kanya, humigit-kumulang ₱32,400 ang halagang dapat ibalik ng SK Chairman. Gayunman, sa naging pagdinig, nabanggit na umaabot sa ₱55,000 ang kabuuang halagang inaatasang isauli ng naturang opisyal kaugnay ng honoraria ng mga SK kagawad.

Samantala, inihayag ng SK Treasurer na handa siyang tanggapin ang anumang magiging desisyon ng mga kinauukulan matapos irekomenda ng ilang SK kagawad ang kanyang pagbibitiw sa puwesto.

Nananawagan din siya sa kanyang mga kapwa opisyal ng SK na isaalang-alang ang kanyang paliwanag at ang naging mga pag-uusap nila noon habang hinihintay ang pinal na resolusyon sa usapin.

Sa ngayon opisyal na ring nagbitiw sa pwesto ang inirereklamong SK Chairman.