--Ads--

Inaasahan ang malawakang pagdiriwang sa Spain matapos masungkit ng kanilang pambansang koponan ang kampeonato sa FIFA World Cup 2026.

Naselyuhan ng Spain ang kanilang ikalawang World Cup title matapos pataubin ang defending champion na Argentina, 1-0, sa pamamagitan ng goal ni Ferran Torres sa ika-106 minuto ng extra time sa final match.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Eva Tinaza, tinatayang aabot sa mahigit isang milyong katao ang makikilahok sa mga selebrasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nakatulong din umano ang kasalukuyang bakasyon ng mga estudyante kaya inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga pagdiriwang.

Ilang oras matapos ang panalo ng Spain, umugong sa mga lansangan ang sigawan ng mga tagasuporta, busina ng mga sasakyan at fireworks display bilang pagdiriwang sa makasaysayang tagumpay ng koponan.

--Ads--

Gayunman, nagkaroon ng bahagyang kaguluhan sa ilang watch party venues dahil sa dami ng mga dumalong supporters. May ilang naiulat na nasugatan matapos maipit sa matinding siksikan habang papasok sa venue.

Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na watch parties ang mga tagasuporta ng Argentina sa Spain upang maiwasan ang anumang tensyon o alitan sa pagitan ng magkabilang kampo ng mga tagahanga.

Sa kabila naman ng pagkabigo ng Argentina na maidepensa ang kanilang titulo matapos yumuko sa Spain sa FIFA World Cup 2026 final, nanatiling buo ang suporta at paghanga ng kanilang mga fans sa ipinakitang laban ng koponan.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Jackielyn Felix, walang nakitang galit o matinding pagkadismaya mula sa mga supporters ng Argentina. Bagama’t naging emosyonal ang ilan, ito ay dahil sa pagmamalaki sa naging kampanya ng kanilang koponan na nagtapos bilang runner-up sa torneo.

Aniya, kapansin-pansin ang matinding tensiyon sa mga manonood habang hinihintay ang unang goal sa laban, ngunit nanatiling positibo ang pananaw ng mga tagahanga sa ipinakitang husay ng Argentina.

Inaasahan namang sasalubungin ng isang heroes’ welcome ang pambansang koponan sa kanilang pag-uwi sa Argentina. Posible ring ideklara bilang holiday ang araw ng kanilang pagdating, lalo na’t ito na ang huling World Cup appearance ni team captain Lionel Messi.