--Ads--

Tiwala si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura ay magbubunga ng mas mataas na kita para sa mga magsasaka, mas matatag na suplay ng pagkain, at mas pinaigting na produksyon na makatutulong sa paglago ng ekonomiya.

Inihayag ito ni Dy matapos niyang samahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-inspeksyon at pagpapasinaya ng mga post-harvest facilities sa Isabela.

Aniya, inaasahang mapapabilis ng proyekto ang pagbiyahe ng mga ani mula sa bukid patungo sa merkado, mababawasan ang pagkalugi, at mapananatili ang kalidad at tagal ng mga produktong agrikultural.

Dagdag pa ni Dy, ang naturang proyekto ay hindi lamang tungkol sa imprastraktura, kundi pagbubukas din ng mas maraming pagkakataon para sa mas maunlad na kinabukasan ng mga magsasaka at ng buong bansa.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na ipinapakita ng mga ganitong hakbang ang matibay na paninindigan ng administrasyon na unahin ang agrikultura bilang mahalagang pundasyon ng pambansang ekonomiya.