--Ads--

Muling nagpalitan ng “I DO” ang Filipino-American actor na si Jacob Batalon, na gumanap bilang Ned Leeds sa Spider-Man, at ang kaniyang asawang interior designer na si Veronica Leahov, sa isang private ceremony sa France.

Ibinahagi ni Batalon ang mga larawan mula sa kanilang ikalawang kasal na ginanap noong Agosto 26 sa Château de Tourreau sa Sarrians, France.

Sa Instagram post ng aktor, isinulat niya ang caption na, “8.26.2026 to infinity.”

Kapansin-pansin naman ang eleganteng wedding gown ni Leahov na isang strapless lace corset gown mula sa designer na si Galia Lahav, habang nakasuot naman si Batalon ng classic black tuxedo mula sa Suitsupply.

--Ads--

Nasa 56 na bisita ang dumalo sa selebrasyon, kabilang ang ilan sa mga co-star ni Batalon sa Spider-Man na sina Remy Hii, Zach Barack at Tony Revolori, na nagsilbi rin bilang kaniyang best men.

Dumalo rin umano sa okasyon sina Tom Holland at Zendaya, na kamakailan lamang ay ikinasal.

Sinabi ng mag-asawa na nais nilang maging intimate at multi-day celebration ang kanilang kasal upang magkaroon ng sapat na oras ang kanilang mga mahal sa buhay na magsama-sama, mag-relax at ipagdiwang ang espesyal na okasyon.

Nagpalitan din sina Batalon at Leahov ng handwritten vows sa isang outdoor ceremony na pinangunahan ng kanilang pastor na si Peter Madan.

Nagkakilala sina Batalon at Leahov noong 2023 at naging engaged noong 2025. Tahimik naman silang unang nagpakasal noong Hulyo ngayong taon.