--Ads--

Opisyal nang kasal ang Filipino-American actor na si Jacob Batalon, na kilala sa kanyang papel bilang Ned Leeds sa Spider-Man film series.

Ayon sa ulat, pinakasalan ni Batalon ang interior designer na si Veronica Leahov. Makikita rin sa professional website ni Veronica na ginagamit na niya ang pangalang Veronica Leahov Batalon.

Nag-anunsyo ng kanilang engagement ang magkasintahan noong Marso 2025. Sa kanyang Instagram post noon, ibinahagi ni Batalon ang proposal at tinawag itong simula ng kanilang bagong yugto bilang magkapareha.

Sa kasalukuyan, kasama si Batalon nina Tom Holland at Zendaya sa pelikulang Spider-Man: Brand New Day. Aniya, aasahan ng mga manonood ang bagong kuwento, matinding aksyon, emosyon at katatawanan sa pinakabagong pelikula ng franchise.

--Ads--

Samantala, ayon sa Columbia Pictures, kumita ng halos ₱96 milyon sa unang araw ng pagpapalabas sa Pilipinas ang Spider-Man: Brand New Day, na nagtakda ng bagong record bilang pinakamalaking opening day ng Sony Pictures sa bansa mula nang magpandemya.