Tuluyan nang kinumpirma ng British actor na si Tom Holland na totoo ang matagal nang usap-usapang kasal na sila ng kanyang longtime girlfriend at kapwa “Spider-Man” star na si Zendaya.
Nagsimula ang mga espekulasyon noong nakaraang taon matapos makita si Zendaya na may suot na diamond ring. Mas lumakas pa ang mga haka-haka ngayong taon dahil sa pagkalat ng AI-generated wedding photos at pahayag ng kanyang stylist na si Law Roach na naganap na umano ang kasal.
Sa panayam ng Esquire, bahagyang tinalakay ni Holland ang kanilang pribadong seremonya matapos mabanggit na maging ang kanyang lola ay napaniwala sa mga pekeng larawang kumalat online. Nang tanungin kung tiniyak niya sa ibang kamag-anak ang katotohanan, sinabi niyang hindi na kailangan dahil “naroon silang lahat.”
Ibinahagi rin ng aktor na si Zendaya ang kanyang “best friend” at pinakamalaking suporta sa buhay. Aniya, malaking bagay ang pagkakaroon ng isang taong tunay na nakauunawa sa kanilang pamumuhay bilang mga artista.
Mahigit isang dekada na mula nang magkakilala ang dalawa sa set ng Spider-Man: Homecoming. Nakatakda rin silang muling magsama sa paparating na pelikulang Spider-Man: Brand New Day, habang kapwa rin sila bahagi ng The Odyssey ni Christopher Nolan.





