--Ads--

Hinihikayat ng Social Security System (SSS) ang mga household employers na irehistro ang kanilang mga kasambahay upang matiyak na sila ay sakop ng social security protection ng gobyerno.

Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, layunin ng Kasambahay Caravan na inilunsad noong Marso 22 sa 43 site sa Metro Manila at Rizal na dalhin nang mas malapit ang serbisyo ng SSS sa mga domestic workers at kanilang employers.

Dagdag niya, ang mga rehistradong kasambahay ay maaaring mag-aplay sa mga SSS loan programs gaya ng salary at calamity loans, at magkakaroon din ng proteksyon mula sa Employees’ Compensation Program para sa mga work-related sickness, disability, o kamatayan.

Ayon kay SSS NCR Operations Group Acting SVP Benjamin Dolindo Jr., layunin ng caravan na palawakin ang saklaw ng social security para sa sektor ng domestic help.

--Ads--

Batay sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, obligadong irehistro ng mga employer ang kanilang kasambahay sa loob ng 30 araw mula sa pagsisimula ng trabaho at magbayad ng kaukulang kontribusyon.

Para sa kasambahay na kumikita ng P5,000 o higit pa, ibabawas ng employer ang employee share sa sweldo, idadagdag ang employer share, at ihahatid sa mga accredited channels. Para sa kumikita ng P5,000 o mas mababa, sakop ng employer ang buong kontribusyon.

Binigyang-diin ni Social Security Commissioner Eva Arcos na dapat ituring ang social security bilang pangmatagalang investment para sa kapakanan ng mga manggagawa.