Naibalik na ang ilang bahagi ng suplay ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani at mga karatig lalawigan noong Lunes.
Ayon sa Department of Energy (DOE), halos naibalik na ang suplay ng kuryente sa karamihan ng mga lugar na nawalan ng kuryente matapos ang malakas na lindol.
Sa paunang assessment, apat na power plant, dalawang transmission line, apat na pribadong power utility, at walong electric cooperative ang naapektuhan ng malakas na lindol.
Ngunit sa pinakahuling ulat, dalawa sa mga power plant ang naayos na, at bahagyang pagbabalik ng transmission services.
Liban dito nakapagbigay narin ng serbisyo ang apat na private distribution utilities at pitong electric cooperatives.
Gayunpaman, nananatili pa ring walang kuryente ang mga lugar na sakop ng South Cotabato II Electric Cooperative Inc., na kasalukuyang nakararanas ng total blackout.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, humigit-kumulang 864,000 kabahayan ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng lalawigan ng Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao Region, at mga kalapit na lugar.











