--Ads--

Umabot na sa 22 ang bilang ng mga nasugatan sa magnitude 5.7 na lindol sa Japan, habang wala pang naitatalang nasawi kaugnay ng pagyanig.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Beltran sa Japan, naganap ang lindol dakong alas-1:04 ng madaling-araw at nagdulot ng pinsala sa ilang grocery stores, wholesale establishments at iba pang gusali sa mga apektadong lugar.

Kabilang sa mga naapektuhang lugar ang Aichi at Shizuoka prefectures, habang hindi naramdaman ni Beltran ang pagyanig sa Tokyo dahil sa layo nito sa epicenter.

Pansamantala ring nahinto ang operasyon ng mga bullet train bago muling bumiyahe sa mas mabagal na takbo upang maiwasan ang posibleng epekto ng aftershocks.

--Ads--

Samantala, wala pang kumpirmadong Pilipino na kabilang sa mga nasugatan sa insidente.

Dahil sa mga naitalang pagyanig nitong Oktubre at Nobyembre, pinaalalahanan din ang mga residente na maghanda ng sapat na pagkain at tubig na maaaring tumagal nang tatlong araw hanggang isang linggo, alinsunod sa mga paalala ng Japan Meteorological Agency.

Binanggit din ni Beltran na ang Aichi Prefecture, kung saan matatagpuan ang Nagoya, ay isa sa mga lugar sa Japan na may malaking bilang ng mga Pilipino.