Inihayag ng mga imbestigador nitong Linggo na ang suspek na nagtangkang sumugod sa isang gala dinner na dinaluhan ni US President Donald Trump ay planong targetin ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno, habang lumalakas ang panawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa naturang event.
Agad na inilabas ng Secret Service si Trump mula sa hotel ballroom sa Washington matapos makunan ng surveillance camera ang suspek na nagtangkang tumakbo papasok sa checkpoint. Nagkaroon ng palitan ng putok bago siya maaresto at kasalukuyang iniimbestigahan. Ayon kay Acting US Attorney General Todd Blanche, inaasahang sasampahan ng pormal na kaso ang suspek sa federal court ngayong Lunes.
Kinumpirma ni Blanche na armado ng shotgun, handgun, at mga kutsilyo ang suspek na nakalodge sa Washington Hilton hotel, kung saan ginanap ang black-tie dinner. Dagdag pa niya, naglakbay ang suspek mula Los Angeles patungong Chicago, at mula Chicago patungong Washington bago ang insidente, at nabili ang mga armas sa nakalipas na dalawang taon.
Nagkaroon ng kaguluhan sa ballroom habang nagsipagtago ang mga dumalo sa ilalim ng mesa. Kabilang sa mga naroon sina Trump, First Lady Melania Trump, Vice President JD Vance, ilang miyembro ng gabinete, mga mambabatas, at daan-daang panauhin.
Sa isang biglaang press conference sa White House, sinabi ni Trump na una niyang inakala na nahulog lamang ang isang tray bago niya napagtanto na putok ng baril ang narinig. Giit niya, tila “lone wolf” ang suspek at umaasa siyang maipagpapatuloy muli ang media gala sa loob ng isang buwan.
Isang opisyal ang tinamaan sa safety vest ngunit hindi malubhang nasugatan. Samantala, iniimbestigahan ng FBI ang bahay ng suspek sa Torrance, California. Nakilala siya ng mga midya bilang si Cole Tomas Allen, 31-anyos.
Hindi ito ang unang beses na naging target si Trump. Noong 2024, nakaligtas siya sa isang tangkang pagpatay sa Pennsylvania rally, at ilang buwan matapos nito ay may isa pang lalaking nahuli habang nagtatago ng rifle sa golf course sa Florida. Ang Washington Hilton, lugar ng gala nitong Sabado, ay kilala ring pinangyarihan ng pamamaril kay dating Pangulong Ronald Reagan noong 1981.
Ang White House Correspondents’ Association dinner ay taunang pagtitipon ng mga mamamahayag at mga personalidad sa Washington upang makalikom ng pondo para sa scholarship at parangal. Ngayong taon, inimbitahan si Trump sa kabila ng kanyang madalas na batikos sa media.








