Inihayag ni Pangulong Donald Trump na plano niyang talakayin kay Chinese President Xi Jinping ang usapin ng pagbebenta ng armas ng Estados Unidos sa Taiwan sa kanilang nalalapit na pagpupulong sa Beijing.
Ayon kay Trump, nais umano ni Xi na itigil ng Amerika ang pagbibigay ng armas sa Taiwan kaya kabilang ito sa mga pangunahing paksang kanilang pag-uusapan.
Nakatakdang dumating si Trump sa Beijing sa Miyerkules bago ang bilateral talks na isasagawa sa Huwebes at Biyernes. Ito ang kauna-unahang pagbisita niya sa China sa nakalipas na siyam na taon.
Matagal nang pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng Washington at Beijing ang suporta militar ng Estados Unidos sa Taiwan. Itinuturing ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang self-governed island habang mariin namang tinututulan ng Taiwan ang mga bantang militar mula sa Beijing.
Ang Estados Unidos ang pangunahing alyado ng Taiwan at patuloy na nagbibigay ng defense support sa isla. Noong Disyembre, inanunsyo ni Trump ang mahigit $11 bilyong military package para sa Taiwan, na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan.
Kasunod nito, nagsagawa rin ang China ng malawakang military drills na nagsimula umano bilang simulation ng blockade sa mga pantalan ng Taiwan, na itinuturing na babala laban sa mga bansang sumusuporta sa isla.
Sa kabila ng umiinit na tensyon, sinabi ni Trump na naniniwala siyang hindi hahantong sa armadong sigalot ang sitwasyon dahil sa maayos umano niyang relasyon kay Xi Jinping.










