--Ads--

Naaresto ng mga awtoridad ang isang suspek na sangkot sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act matapos ang isinagawang operasyon sa Barangay Gundaway, Cabarroguis, Quirino.

Ayon sa Cabarroguis Police Station, mabilis silang rumesponde sa natanggap na ulat at agad na nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek. Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.

Agad namang umaksyon ang Women and Children Protection Desk (WCPD) upang mabigyan ng kinakailangang tulong ang biktimang bata.

Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Cabarroguis para sa psychosocial intervention at iba pang suportang kinakailangan ng biktima.

--Ads--

Samantala, sa iba pang balita, naaresto naman ng mga tauhan ng Cabarroguis Police Station ang isang lalaking wanted sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries sa isinagawang operasyon sa bayan ng Cabarroguis, Quirino.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Tisoy” na nadakip noong Agosto 15. Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Acting Presiding Judge Evelyn T. Agravante-Avila ng Municipal Trial Court sa Cabarroguis, Quirino.

Batay sa kautusan ng hukuman, itinakda ang piyansa sa halagang P30,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Ayon sa pulisya, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine matapos itong arestuhin. Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng Cabarroguis Police Station habang hinihintay ang pagturn-over sa korte para sa kaukulang proseso.