--Ads--

Sa gitna ng patuloy na kakulangan ng ulan sa lalawigan ng Isabela, tinatayang maaaring umabot sa mahigit dalawang bilyong piso ang posibleng pagkalugi ng mga magsasaka ng mais ngayong cropping season.

Ayon kay Provincial Agriculturist Serio Galamgam, malaki ang posibilidad na maapektuhan ang malawak na taniman ng mais sa lalawigan kung magpapatuloy ang kawalan ng ulan sa loob ng susunod na dalawang linggo.

Batay sa datos ng Provincial Agriculture Office, tinatayang 40.79 porsiyento ng kabuuang taniman ng mais sa lalawigan ang maaaring makaranas ng pinsala.

Nasa 28,979 ektarya ng taniman ng mais ang kasalukuyang nasa vegetative stage, kung saan posibleng makaranas ng hanggang 50 porsiyentong pagbaba ng ani, na katumbas ng mahigit 14,489 ektarya na maaaring maapektuhan.

--Ads--

Samantala, nasa 43,723 ektarya naman ng mais na itinanim mula pa noong Disyembre 2025 ang nasa reproductive stage, kung saan mas mataas ang posibilidad ng pinsala na maaaring umabot sa 80 porsiyento, o katumbas ng  34,978 ektarya ang maaaring maapektuhan.

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 49,268 ektarya ng corn area sa lalawigan ng Isabela ang maaaring tamaan ng matinding epekto ng kakulangan ng ulan.

Dahil dito, sinabi ni Galamgam na maaaring umabot sa mahigit dalawang bilyong piso ang posibleng lugi ng mga magsasaka kung hindi agad maagapan ang sitwasyon.

Kaugnay nito, nagdesisyon ang PDRRMC Council na magsumite ng resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan ng Isabela upang agad na matugunan ang posibleng epekto ng matinding tagtuyot sa lalawigan.