CAUAYAN CITY – Isang positibong aksyon at maituturing na malaking serbisyo para sa bayan ang pagbibitiw ni Vice President Sarah Duterte bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman France Castro ng ACT Teachers Partylist, sinabi niya na dapat noon pa nagbitiw sa pwesto si Duterte dahil wala siyang kakayahan at malawak na karanasan sa sektor ng Edukasyon.
Sa loob ng dalawa at kalahating taon na kaniyang pamumuno bilang kalihim ay hindi naman napabuti ang Educational Crisis at Learning Gap na isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng sektor.
Ayon kay Castro, dapat ang susunod na uupong kalihim ay mayroong sapat na karanasan at kaalaman sa tunay na kalagayan ng edukasyon, may malasakit at marunong makinig sa mga hinaing ng mga estudyante at guro.
Kinakailangan aniya na mayroon na siyang bitbit na solusyon sa mga problema na kinakaharap ng sektor at laging komukunsulta sa mga educational stakeholders.
Panawagan niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag niyang I-base sa politika ang pagtatalaga ng bagong kalihim ng DepEd
Mahalaga aniya ang edukasyon kaya nararapat lamang na magtalaga ng kalihim na kayang sumagot sa pangangailangan ng mamamayan at kayang palakasin ang sistema ng edukasyon sa bansa.