Magpapatupad ng pagba-block ang PLDT, Smart at Globe sa mga website na nagho-host o nag-i-stream ng mga video ng school shootings at iba pang matinding karahasan.
Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City, kung saan na-livestream umano ang pag-atake.
Ayon sa PLDT, mahigit 100 websites na natukoy na naglalaman o nag-i-stream ng ganitong footage ang kanilang haharangin. Saklaw din nito ang network ng Smart.
Sinabi din ng mga ito na hindi nila papayagang magamit ang kanilang network sa pagpapalaganap ng content na naglalarawan o nagtatampok ng karahasan, lalo na kung maaaring malagay sa panganib ang mga bata at kabataan.
Samantala, sinabi ng Globe na may responsibilidad ang telecommunications industry na makatulong sa pagpapanatiling ligtas ng online environment para sa mga kabataan.
Tatlong araw bago ang hakbang, isang 14-anyos na estudyante ang namaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng isa pang estudyante at ng suspek mismo. Dalawa pa ang nasugatan.
Kaugnay nito, magsasagawa ang Department of Education ng nationwide school safety drill sa Agosto 25 upang sanayin ang mga guro, estudyante at school personnel sa pagtugon sa mga insidente ng “active attack” sa paaralan.






