--Ads--

Sa kabila ng mga naiulat na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng ilang kabataan, nananatiling positibo ang pananaw ni Sangguniang Kabataan Federation President Camilo Ballad ng Cauayan City na ang kabataan ay patuloy na maituturing na pag-asa ng bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ballad, sinabi niyang hindi dapat maging dahilan ang mga negatibong insidente upang tuluyang mawala ang tiwala sa kakayahan at potensyal ng mga kabataan.

Ayon kay Ballad, isa sa mga paraan upang mahikayat ang kabataan na maging aktibo at mailayo sa mga negatibong gawain ay ang pagsasagawa ng mga aktibidad pang-sports.

Anya, malaking tulong ang sports sa paghubog ng disiplina, pakikipagkapwa at pagiging aktibo ng mga kabataan, lalo na sa panahon ngayon na marami sa kanila ang madalas na nakababad sa gadgets at social media.

--Ads--

Dahil dito, patuloy umano silang nagsasagawa at sumusuporta sa mga programang pang-sports upang mabigyan ang kabataan ng alternatibong produktibong gawain kung saan maaari nilang magamit ang kanilang oras, talento at enerhiya.

Binigyang-diin din ni Ballad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng balanse sa paggamit ng teknolohiya at aktwal na pakikilahok sa mga aktibidad sa komunidad.

Bukod sa sports, sinabi niyang mahalaga rin ang paggabay at suporta mula sa pamilya, paaralan, pamahalaan at iba pang sektor upang matulungan ang kabataan na makagawa ng tamang desisyon at maiwasan ang mga gawaing maaaring makasama sa kanilang sarili at sa komunidad.

Sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng kabataan, naniniwala si Ballad na marami pa rin sa kanila ang nagpapakita ng potensyal, responsibilidad at malasakit sa kapwa.

Aniya, hindi dapat tingnan ang kabataan lamang batay sa kanilang mga pagkakamali, kundi dapat ding kilalanin ang kanilang kakayahang matuto, magbago at maging aktibong bahagi ng pag-unlad ng kanilang komunidad.

Patuloy din umano nilang isinusulong ang mga programang magbibigay sa kabataan ng mas maraming oportunidad upang malinang ang kanilang kakayahan at mahikayat silang maging produktibong miyembro ng lipunan.

Naniniwala si Ballad na sa pamamagitan ng tamang paggabay, sapat na oportunidad at patuloy na suporta, maipapakita ng kabataan ang kanilang kakayahan at mapatutunayang karapat-dapat pa rin silang tawaging pag-asa ng bayan.