Nagbabala ang Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City laban sa mga indibidwal, partikular sa mga vloggers at social media content creators, na agad nagsasapubliko ng mga video at larawan ng mga aksidente at iba pang insidente nang walang pahintulot mula sa mga sangkot dahil maaari itong magdulot ng paglabag sa kanilang karapatan sa privacy at mauwi sa pananagutang legal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit-Santiago City, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng paghingi ng pahintulot sa mga biktima o iba pang concerned persons bago ilathala o ibahagi sa publiko ang anumang video o larawan na may kaugnayan sa isang insidente.
Ayon kay PMaj. Aggabao, bagama’t nagsisilbing mabilis na daluyan ng impormasyon ang social media, nararapat pa ring igalang ang dignidad at karapatan ng mga taong sangkot, lalo na kung wala silang kaalaman o pahintulot sa pagpapakalat ng naturang mga materyal.
Binigyang-diin pa ng opisyal na maaaring maharap sa reklamong legal ang sinumang maglalathala ng sensitibong nilalaman nang walang pahintulot ng mga apektadong indibidwal, lalo na kung magreresulta ito sa paglabag sa kanilang privacy at kapakanan.
Dahil dito, hinikayat ni PMaj. Aggabao ang publiko na dumulog na lamang sa tanggapan ng Traffic Enforcement Unit o iba pang kinauukulang ahensya upang makakuha ng beripikado at lehitimong impormasyon hinggil sa mga nagaganap na insidente sa halip na umasa sa mga hindi kumpirmado at posibleng mapanlinlang na ulat na kumakalat sa social media.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga mamamayan na pairalin ang responsableng paggamit ng mga digital platform at tiyaking wasto, balanse at sapat ang impormasyong kanilang ibinabahagi upang maiwasan ang paglaganap ng maling impormasyon at mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga biktima at kanilang pamilya.











