
CAUAYAN CITY – Kinilala ng pamunuan ng Tactical Operations Group (TOG2) ang bahagi ng Bombo Radyo Cauayan sa kanilang tatanggaping award sa anibersaryo ng Philippine Airforce (PAF) sa susunod na linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Col Augsto Padua, commander ng TOG2 na napili sila ng kanilang headquarters na gawaran ng 2020 Commanding General PAF Streamer Award bilang TOG of the Year.
Unang nanalo ang TOG2 sa napiling top 3 mula sa Tactical Operation Wing ng PAF sa Luzon at Mindanao.
Gaganapin ang awarding ceremonies sa July 1, 2020 sa PAF Gymnasium sa Villamor Airbase, Pasay City na pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte .
Ayon kay Col. Padua, malaki ang tulong ng media lalo na ang Bombo Radyo Cauayan dahil nalalaman ng taumbayan ang kanilang mga magagandang proyekto.
Mahalaga aniya na malaman ng kanilang mga nasasakupan ang kanilang mga ginagawa tulad ng paghuhulog nila ng mga leaflets sa mga kabundukan na humihikayat sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na magbalik-loob sa pamahalaan.
Ipinaliwanag niya ang kinetic at non-kinetic sa kanilang combat operations.
Ang kinetic ay actual na pakikipaglaban tulad ng paghuhulog ng bomba o rocket sa kuta ng mga kalaban habang ang non-kinetic ay civil-militay operations.
Hindi kailangan na may mapatay na kalaban para masasabing nanalo kundi mas mabisa pa rin ang paggawa ng hakbang tulad ng tagisan ng pag-iisip para mas maraming buhay ang mailigtas tulad ng pagpapasuko sa mga miyembro ng NPA.
Unang inihayag ni Col Padua na sinabi ng mga sumukong kasapi ng NPA na naglakas sila ng loob na sumuko sa tropa ng pamahalaan dahil sa nabasa nilang inihulog na leaflets.
Nakasaad din dito ang mga benepisyo na kanilang matatanggap kapag sumuko at pagkontra sa sinasabi ng kanilang mga lider na sila ay pahihirapan at papatayin ng mga sundalo kapag sila ay sumuko.
Ito ay napatunayan ng mga sumukong NPA dahil hindi sila pinahirapan kundi tinulungan sila ng militar na makakuha ng mga benepisyo sa pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay.










