--Ads--

Naaresto ng mga awtoridad ang Top 1 Regional Most Wanted Person sa Region 2 na nahaharap sa kasong murder sa isinagawang manhunt operation sa Barangay District 1, Cauayan City, Isabela nitong Hulyo 28.

Sa ulat ng Isabela Police Provincial Office, ang suspek ay 47-anyos, pintor at residente ng Barangay Nungnungan 1, Cauayan City. Naisilbi laban sa kanya ang warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Isinagawa ang operasyon ng Tracker Team ng Cauayan Component City Police Station sa pakikipagtulungan ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela PPO, RID-RTG, RIU2 PIT Isabela East, RMU2 at 2nd IPMFC.

Matapos ang pag-aresto ay dinala ang suspek sa kustodiya ng Cauayan CCPS habang inihahanda ang kanyang turnover sa korte na nagpalabas ng warrant.

--Ads--

Hinikayat din ng Isabela PPO ang publiko na makiisa at magbigay ng mahalagang impormasyon sa mga awtoridad upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad at mapanatili ang seguridad sa mga komunidad.