Minaliit ng isang grupo ng pampublikong transportasyon ang ipapatupad na taas pasahe ng DOTr dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto “Mody” Floranda, presidente ng PISTON, sinabi niya na bagamat makakatulong ito upang maibsan ang pasaning kinakaharap ng public transport, iginiit niya na kulang na kulang ito kung ikukumpara sa laki ng itinaas sa presyo ng petrolyo na pangunahin nilang ginagamit sa pamamasada.
Aniya, matagal na nilang hinihiling sa pamahalaan na alisin ang excise tax sa langis, alinsunod sa umiiral na oil deregulation law, ngunit hindi pa rin ito pinapakinggan.
Binanggit din niya na dahil dito, patuloy na nahihirapan ang maraming operator at driver, lalo na ang maliliit na negosyo sa transportasyon, sa pagpapatakbo ng kanilang serbisyo.
Dagdag pa niya, nananatiling mabigat ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa ekonomiya ng masa, dahil nagreresulta ito sa mas mataas na gastos para sa pasahero at mas mahinang kita para sa mga driver.
Hinimok niya ang pamahalaan na isaalang-alang ang alternatibong solusyon tulad ng fuel subsidies o tulong-pinansyal upang matulungan ang sektor ng pampublikong transportasyon.
Giit niya na kung seryoso ang administrasyon na tulungan ang transport sector ay mabilis sana ang pag-aksyon nito at pakikinggan sila na suspindihin ang excise tax at VAT sa langis.
ANiya hindi na kailangan na bigyan ito ng emergency power dahil kita naman sa nangyayari na lingguhan at malakihan na ang taas presyo ng produktong petrolyo.











