--Ads--

Mariing itinanggi ni Former senator Antonio Trillanes IV ang alegasyon na tumanggap siya ng $2 milyon upang suhulan ang mga hukom ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng kasong crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Trillanes, ang alegasyon ng panunuhol na isinampa ng 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marines ay lumabas sa kalagitnaan ng confirmation of charges hearing ng ICC Pre-Trial Chamber. Idiniin niya na hindi niya kailanman natanggap ang naturang halaga o anumang perang ipinasok sa ICC operations.

Nilinaw ng Philippine Navy na apat sa labing-walong nagparatang ay hindi naging bahagi ng Marines o ng Navy, at karamihan sa mga naglunsad ng alegasyon ay dishonorably discharged.

Ayon kay Trillanes, ang alegasyon ay walang katotohanan at hindi praktikal, at ipinunto rin niya ang mga logistical issues kung paano maipapasa ang naturang pera. Aniya, ang timing ng paratang ay nakaplanong manira sa kredibilidad ng ICC habang isinasagawa ang mga pagdinig, ilang buwan lamang matapos sumabog ang isyu ng korapsiyon sa mga bilyong pisong flood control projects ng pamahalaan.

--Ads--

Ayon sa kanya, layunin ng alegasyon na sirain ang integridad ng ICC at posible ring gamitin ito ng lead defense counsel upang humiling ng mistrial sa pagdinig. Binanggit rin ni Trillanes na nakatuon ang presentasyon ng mga prosekutor ng ICC sa extrajudicial killings at mga banta ni dating Pangulong Duterte laban sa mga drug addict, kaya hindi kinakailangang suhulan ang mga hukom upang gawin ang kanilang trabaho.