Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Domeng, ayon sa PAGASA.
Bandang alas-4:00 ng madaling araw, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,345 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 km/h habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Sa kasalukuyan, wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa. Ayon sa PAGASA, mababa ang posibilidad na direktang makaapekto si Domeng sa lagay ng panahon sa loob ng susunod na 24 oras.
Gayunman, palalakasin nito ang southwest monsoon o habagat na maaaring magdulot ng malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa simula Linggo, Mayo 31.
Posible ring makaranas ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa ilang lugar kabilang ang malaking bahagi ng Visayas, Batanes, Cagayan, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at ilang bahagi ng Mindanao.
Patuloy namang pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na mag-monitor ng mga susunod na weather bulletin at advisories kaugnay ng bagyong Domeng.











