
CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang truck driver sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok 7, San Fermin, Cauayan City.
Ang naaresto ay si Richard Rivera, 34 anyos, may-asawa, truck driver, residente ng Villa Nieva, San Manuel, Isabela at kabilang sa Directorate for Intelligence (DI) list.
Nakatanggap ng impormasyon ang Cauayan City Police Station kaugnay sa pagtutulak umano ng droga ng suspek sa Lunsod ng Cauayan.
Dahil dito ay nagsagawa ng drug buy-bust operation ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station na nagbunga ng pagkadakip ng suspek matapos umano niyang bentahan ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang pulis na nagpanggap na poseur/buyer kapalit ang 1,000.
Nasamsam pa sa pag-iingat ni Rivera ang isang cellphone at motorsiklong ginamit sa transaksiyon, buy-bust money at isa pang pakete ng hinihinalang shabu.
Dinala na sa Cauayan City Police Station ang suspek para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










