--Ads--

Nasawi ang 19 indibidwal matapos ilunsad ni United States President Donald Trump ang large-scale military strikes laban sa mga Iran-aligned na Houthi sa Yemen bilang tugon umano sa mga pag-atake nito sa Red Sea shipping.

Nagbabala si Trump sa mga Houthis na “hell will rain down” kung hindi nila ititigil ang kanilang mga pag-atake.

Binalaan din ni Trump ang Iran, pangunahing tagasuporta ng mga Houthis, na agad nang itigil ang kanilang suporta sa grupo.

Ayon sa mga opisyal ng US, isinagawa ang mga airstrike nitong Sabado, Marso 15, gamit ang mga fighter jets mula sa aircraft carrier na Harry S. Truman.

--Ads--

Kabilang sa mga nasawi ang 13 sibilyan at siyam ang nasugatan sa kabisera ng Sana’a; habang anim na katao, kabilang ang apat na bata, ang nasawi at 11 ang nasugatan sa hilagang lalawigan ng Saada.

Ayon naman sa Central Command ng US military na nangangasiwa sa mga tropa sa Middle East, simula pa lang ito ng isang mas malawakang operasyong militar sa buong Yemen.

Inanunsyo naman ng Houthis noong Martes, Marso 11, na itutuloy nila ang pag-atake sa mga barkong Israeli sa Red Sea, Arabian Sea, Bab al-Mandab Strait, at Gulf of Aden, matapos ang ilang linggong katahimikan mula nang ipatupad ang tigil-putukan sa Gaza noong Enero.

Ayon sa Houthis, ang kanilang mga pag-atake ay bahagi ng kanilang pakikiisa sa mga Palestino laban sa digmaan ng Israel at Hamas sa Gaza.