Nasungkit ni Liezle Clarisse Gaoiran, graduate ng Our Lady of the Pillar College – San Manuel Campus, ang Rank 6 sa katatapos na Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gaoiran na hindi niya inaasahang makakapasok siya sa national topnotchers dahil ang una lamang niyang target ay makapasa sa naturang pagsusulit.
Aniya, nagulat na lamang siya nang makatanggap ng mga pagbati mula sa mga kakilala matapos lumabas ang resulta ng pagsusulit.
Ayon kay Gaoiran, malaking bahagi ng kaniyang paghahanda ang unti-unting pagdaragdag ng bilang ng mga practice questions na sinasagutan araw-araw.
Inamin din nito na self-doubt ang isa sa pinakamalaking hamon na kinailangan niyang labanan sa buong proseso ng pagre-review.
Naging inspirasyon naman niya ang kaniyang mga magulang at lola na pawang mga guro, gayundin ang mga kaibigang patuloy na nagbigay sa kaniya ng suporta at motibasyon.
Hinimok naman niya ang mga susunod na kukuha ng licensure examination na samahan ng panalangin ang kanilang paghahanda at hindi lamang hilingin sa Panginoon ang tagumpay kundi maging ang paggabay sa buong proseso.
Para kay Gaoiran, ang pagkakamit niya ng puwesto sa national topnotchers ay hindi lamang sariling tagumpay kundi tagumpay rin ng lahat ng taong nagsakripisyo at sumuporta sa kaniyang journey.





