--Ads--

Inihayag ng IBON Foundation na mabagal ang pamahalaan sa pagtugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa, na nagdudulot ng malaking epekto sa mga mamamayan, manggagawa, at maliliit na negosyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niyang ang mga naging hakbang ng administrasyon, tulad ng 4-day workweek sa mga ahensya ng gobyerno, posibleng pagtanggal sa excise tax, at fuel subsidies, ay maliit lamang kumpara sa laki ng epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Ayon kay Africa, hindi pa malinaw kung gaano kalaki ang fuel subsidy na ipamamahagi at kung alin sa mga sektor ang makikinabang, na nagdudulot ng kawalang-katiyakan sa mga apektadong sektor.

Aniya, kahit ipinatupad ang staggered oil price hikes, wala pa rin itong positibong epekto dahil patuloy ang pagtaas ng presyo sa merkado. Giit niya, kung hindi bilisan ng pamahalaan ang aksyon, posibleng lumala ang epekto ng mataas na presyo sa ekonomiya sa mga susunod na buwan.

--Ads--

Binanggit din ni Africa na hindi dapat tanggapin ng gobyerno ang paliwanag ng mga oil companies tuwing itinaas nila ang presyo ng kanilang produkto.

Aniya napakabilis at napakalaki ang pagtaas nila ng presyo, samantalang napakabagal at napakaliit ang ibinibigay na pagbaba.

Ayon sa datos, noong Enero 2025, ang presyo ng krudo per barrel ay nasa $80, at bumaba ito sa $60 per barrel pagsapit ng Disyembre, o 20% na pagbaba. Gayunpaman, nanatiling P57 ang presyo ng diesel sa bansa, na hindi makatwiran ayon sa kanya, dahil hindi ito tumutugma sa pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Dagdag ni Africa, mahalagang magpatupad ang pamahalaan ng mas konkretong hakbang, tulad ng malinaw na fuel subsidies at mas mahigpit na regulasyon sa oil companies, upang maprotektahan ang mamamayan laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Aniya rin, hindi dapat gawing excuse ng gobyerno ang Oil Deregulation Law para hindi maregulate ang industriya. Dapat, matigil na ang pagpanig ng pamahalaan sa paliwanag ng mga oil companies kung bakit mabilis ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, at simulan ang aktibong pagpapatupad ng mga hakbang na makakabawas sa pasanin ng publiko.