--Ads--

Inanunsyo ni United States Defense Secretary Pete Hegseth ang pagkakaloob ng isang decommissioned o retiradong barko ng US Coast Guard sa Philippine Coast Guard (PCG) upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na protektahan ang mga interes nito sa rehiyon.

Nagpulong sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Hegseth sa sidelines ng International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore kung saan muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang matatag na pangako sa ilalim ng US-Philippines Mutual Defense Treaty at ang layuning mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng dalawang opisyal ang paglagda sa isang bagong 15-taong Communications Interoperability and Security Memorandum of Agreement na magpapadali sa ligtas at mas epektibong pagpapalitan ng impormasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Malugod din nilang tinanggap ang matagumpay na pagtatapos ng ika-41 edisyon ng Exercise Balikatan na tampok ang mas pinaigting na pagsasanay sa joint fires, coastal defense, at maritime security.

--Ads--

Muling pinagtibay nina Hegseth at Teodoro ang kanilang pangakong palakasin ang kakayahan sa pagpigil sa anumang banta sa South China Sea. Ipinahayag din ng Estados Unidos ang patuloy nitong suporta sa pagmamanman ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at sa pagtatanggol sa mga interes ng bansa sa karagatan.