Natagpuang wala nang buhay ang anim na sakay ng isang maliit na eroplano matapos itong bumagsak sa Gulf of Mexico sa baybayin ng Mississippi, United States.
Ayon sa US Coast Guard, kabilang sa mga nasawi ang apat na nasa hustong gulang at dalawang batang lalaki na edad walo at sampung taong gulang.
Natagpuan ng mga diver ang mga bangkay sa loob ng fuselage o pangunahing katawan ng Cessna 210 na bumagsak sa karagatan sa pagitan ng Pascagoula, Mississippi at Horn Island.
Bago nito, nawalan ng komunikasyon ang air traffic control sa nasabing eroplano dakong alas-3:45 ng hapon.
Ilang oras na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad bago matagpuan ang mga labi ng eroplano, tatlong life jacket at isang life raft na palutang-lutang sa tubig.
Patungo sana ang eroplano mula New Orleans papuntang Fort Myers, Florida nang mangyari ang aksidente.











