--Ads--

Nanawagan si United States President Donald Trump sa lahat ng bansang kasapi ng International Criminal Court o ICC na agad nang kumalas sa organisasyon habang mariin nitong binatikos ang naturang tribunal sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly.

Sa kanyang talumpati, inilarawan ni Trump ang ICC bilang isang “out of control institution” at iginiit na hindi nito dapat masaklaw ang mga mamamayan at sundalo ng Amerika. Sinabi rin niyang hindi papayagan ng Estados Unidos na mapailalim ang kanilang mga mamamayan sa aniya’y mga paglilitis ng isang tribunal na wala umanong hurisdiksyon sa kanilang bansa.

Dahil dito, hinimok ni Trump ang lahat ng bansang miyembro ng ICC na opisyal na umatras sa pagiging kasapi ng korte.

Matatandaang matagal nang tinututulan ng Estados Unidos ang ICC at hindi ito kabilang sa mga bansang lumagda sa Rome Statute, ang kasunduang lumikha sa internasyonal na hukuman.

--Ads--

Ang ICC na nakabase sa The Hague, Netherlands ay may mandato na litisin ang mga indibidwal na inakusahan ng war crimes, crimes against humanity, genocide at iba pang mabibigat na paglabag sa internasyonal na batas.