--Ads--

Mariing itinanggi ng United Arab Emirates (UAE) ang paratang ng Sudan na isang Emirati drone ang ginamit sa umano’y pag-atake sa Khartoum airport nitong Lunes, na sinasabing inilunsad mula sa Ethiopia.

Sa isang pahayag ng isang opisyal ng UAE, tinawag na “kathang-isip” at bahagi ng umano’y “pattern ng pag-iwas sa pananagutan” ang mga akusasyon ng Sudan. Ayon sa UAE, layunin lamang umano ng ganitong mga paratang na ilihis ang sisi at pahabain pa ang nagpapatuloy na digmaan sa bansa.

Matagal nang inaakusahan ng Sudan ang UAE na sumusuporta sa paramilitary Rapid Support Forces (RSF), na kasalukuyang nakikipagdigma sa Sudanese Army sa loob ng tatlong taon na nagdulot ng matinding pinsala sa bansa. Paulit-ulit namang itinatanggi ng UAE ang paratang at iginiit na hangad nito ang agarang pagwawakas ng labanan.

Samantala, kinondena ng Egypt at Saudi Arabia ang pag-atake sa Khartoum airport na kamakailan lamang muling binuksan sa mga flight, at nagbabala laban sa pakikialam ng mga kalapit-bansa sa Sudan. Maging si Massad Boulos, senior adviser ng U.S. para sa Arab at African affairs, ay nanawagan na itigil na ang anumang panlabas na suporta sa magkabilang panig ng labanan.

--Ads--

Nagsimula ang digmaan sa Sudan nang magtalo ang RSF at hukbong sandatahan ukol sa plano ng pagsasanib ng kanilang puwersa at paglipat sa demokratikong pamahalaan.