Pagsusunog ng basura na iniwang walang nagbabantay ang lumalabas na pangunahing sanhi ng sunog sa isang bodega sa Barangay Alinam, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP. Roger Esteban ng BFP Cauayan City, sinabi nitong nagmula ang apoy sa pagsusunog ng basura na iniwang unattended o walang nagbabantay.
Tinitingnan din aniya ang matinding init ng panahon bilang isa sa mga posibleng nakadagdag sa pagsiklab at mabilis na pagkalat ng apoy.
Dahil naglalaman ang bodega ng mga kagamitang madaling masunog, kabilang ang mga plastik at kahoy, mabilis na kumalat ang apoy sa likurang bahagi ng warehouse.
Samantala, patuloy ang paalala ni FCINSP. Esteban sa publiko hinggil sa tamang pag-uulat ng mga insidente ng sunog at iba pang emergency.
Binigyang-diin niya na kung hindi kabisado ang numero ng lokal na himpilan ng Bureau of Fire Protection o BFP, maaaring tumawag agad sa emergency hotline na 911.
Aniya, ang mga awtoridad na ang makikipag-ugnayan sa BFP at iba pang kaugnay na departamento upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa bawat emergency.










